Lunes, Hunyo 29, 2009

Isang Pamamaalam Ang Aking Panimula


Kay tagal kong pinag-isipan kung paano ko sisimulan ang aking pakikipagtalastasan at/o di kaya ay pakikipag-ugnayan sa mga taong masugid na sumusubaybay sa pandaigdigan at pangkalahatang sapot; sa aking mga kaibigan at sa buong sangkatauhan. Naghahanap ako ng isang paksa na kung saan ang sinuman ay makakapagugnayan... hanggang ginising ako ng isang di kanaisnais na balita isang umaga ng ika-26 ng Hunyo 2009 (ika-25 ng Hunyo 2009 sa Estados Unidos). Ang tinaguriang Hari ng Pop na si Michael Jackson ay biglaang inatake sa puso at pumanaw sa batang edad na 50 taon.

Nagluksa ang sangkatauhan sa iba't-ibang panig ng mundo. Marami ang hindi naniwala sa balita kabilang na ako. Hindi ko lubos maisip na ang isang taong tinitingala at hinahangaan ng nakararami ay biglang mawawala na lamang sa isang iglap. Ang lahat ay nalungkot... samantalang mas nanaig ang takot sa aking pag-iisip. Kung ang isang katulad ni Michael Jackson na sa paningin ng nakararami ay para bagang Diyos, Hari o isang Immortal ay di nalampasan ang kamatayan... paano pa kayo ako na isang simpleng nilalang lamang.

Kasabay sa pagpanaw ng
Hari ... ako ay namulat sa di katiyakan ng buhay; na ang lahat ay pansamantala lamang; at ano mang bagay ay maaaring mawala na lamang sa hindi inaasahang sandali. Kabilang ang kayamanan, kapangyarihan, katanyagan, kayaman o maging ating mga kaibigan o mga mahal sa buhay. At napagtanto ko sa aking sarili na alagaan at mahalin ang isang mahalagang regalong ibinigay sa akin ng Maykapal - aking buhay!

Sa iyong paglisan Michael Jackson, sisimulan kong muli ang aking buhay. Ang mabuhay ng may maliwanag na isipan, malusog na pangangatawan at mapayapang kalooban; maging mas malapit sa aking pamilya, mga kaibigan at mahal sa buhay.; at ang higit na pagyamanin ang pananampalataya sa Diyos na Maykapal. Sisikapin kong ikalugod ang bawat sandali ng aking buhay; mabuhay ng makabuluhan magkaminsan sa isang araw; at ang magkaroon ng konkretong patutunguhan balang araw.

Paalam sa iyo Michael Jackson... Salamat sa magagandang alaala, salamat sa kasiyahang idinulot mo sa mundo, salamat sa iyong mga musika, at higit sa lahat... Salamat sa aking Panimula.